Mga uuwing OFW sa bansa, handang gastusan ng pamahalaan

Muling tiniyak ng gobyerno na walang magiging problema ang mga Overseas Filipino Workers (OFWS) na magbabalak na umuwi na lang ng bansa sakaling makaranas ang mga ito ng pang-aabuso mula sa kanilang mga employer sa ibayong dagat.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Budget secretary Benjamin Diokno na matagal nang handa ang pamahalaan sa anumang gastusin para sa pagpapauwi ng mga OFWS abroad.

Pero paglilinaw ng kalihim, wala pang tiyak na pondo para dito pero nakahanda ang gobyerno.

Matatandaang naging usap-usapan ang posibleng pag-uwi ng mga OFW na may hindi magandang karanasan sa kanilang mga employer partikular na sa bansang Kuwait.

Dagdag pa ng kalihim, maraming oportunidad ang naghihintay sa bansa na puwedeng maging kapalit ng mga maiiwang trabaho ng mga OFW sa labas ng bansa.

3rd party negotiation, iminungkahi upang maayos ang diplomatic

relations ng Kuwait at Pilipinas 

Iminungkahi ni Kabayan Partylist Representative Ciriaco Calalang ang pagkakaroon ng third-party negotiation para maayos ang diplomatic ties ng Pilipinas at Kuwait.

Ayon kay Calalang, ang third party negotiator ay maaring isang indibidwal, organisasyon, o isang bansa na mayroong magandang rapport sa pagitan ng dalawang bansa.

Makakatulong aniya ang pagkakaroon ng third party negotiator para maayos ang gusot sa isang maayos na pag-uusap at para maipagpatuloy ang draft ng memorandum of understanding para sa proteksyon ng mga OFWS sa Kuwait.

Maari aniyang simulan ang negosasyon pagkatapos ng May 12 municipal elections sa Kuwait na siyang tamang panahon para pag-usapan ang mga isyu.

Secretary Roque, tutulak papuntang Kuwait sa May

Nakatakdang magtungo si Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa Kuwait ngayong darating na Lunes, May 7.

Ayon kay Roque, kasama nitong tutulak papuntang Kuwait si Labor secretary Silvestre Bello III.

Kaugnay nito, patuloy namang umaasa ang pamahalaan na mapipirmahan na ang Memorandum of Agreement (MOA) na magbibigay proteksyon sa mga Overseas Filipino Workers (OFWS) doon.

Inaasahan din ng Malakanyang na maibalik na sa normal ang relasyon ng Pilipinas sa Kuwait.

Kung maaalala, idinaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mahinahon na paraan ang pakikipag-usap sa Kuwaiti envoy at humingi pa ito ng paumanhin kung hindi man nagustuhan ng kinauukulan ang ginawa ng mga Pilipino roon.-news.smni.com

print
Share it online!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *